Pages

Wednesday, December 22, 2010

MUKHA NG BUHAY 8

Matuling lumipas ang mga araw at buwan, naging madalang na rin ang paglalakwatsa at pagkukuwentuhan naming dalawa ng kumpare ko, may mga gabi din na di ko siya nakikita sa may harapan ng kanilang bahay na halos gabi gabi naming ginagawa noon, naisip ko, na siguro talagang puspusan at tutok na siyang masyado sa kanyang pag-aaral.

Isang gabi ay matiyaga akong naghintay sa kanya sa may harapan ng bahay nila, naka-upo ako sa may bangketa na madalas naming tinatambayan habang nagkukuwentuhan lang.

"Hoy, ano ang ginagawa mo dyan? " tanong sa akin ni Thor na hindi ko namalayang nakatayo na pala sa may harapan ko

"Ha!,  hinihintay kita, kwentuhan tayo" sagot ko

"Sandali ha, pasok lang ako ng bahay, tapos labas uli ako agad " sabi nya

"Kumain ka muna, hintay kita dito" sabi ko

"Nakakain na ako sa labas, magpapakita lang ako kina mama, labas ako agad, ok" sagot nya

Ilang minuto lang ang pinaghintay ko at nasa tabi ko na agad si Thor

"Musta na, isang taon na rin ang lumipas ah, di na tayo nakakapagkuwentuhan man lang, kahit nung bakasyon, sabi ni tita, nagsummer class ka rin, di mo yata nami-missed ang guwapo mong kaibigan eh" biro ko

"Luko loko, natural missed kita, kaso busy lang talaga ako sa pag-aaral ko, saka alam mo naman na ikaw lang ang kaibigan ko" sagot niya

"Ganon, eh bakit naman puspusan yatang masyado ang ginagawa mong pag-aaral" tanong ko

"Wala naman, gusto ko lang makatapos agad sa pag-aaral at ng makapagtrabaho na ako " sagot nya

"Opps, siguro may balak na kayo ni Dianne , ano? tanong kong biro,  tumawa lang siya at parang walang narinig sa ginawa kong biro sa kanya

"Nga pala, kaya ako nandito, para ikuwento sa iyo na nagsasama na kami ni Amy, mga ilang buwan na rin, kasi medyo nakalimot kami ng todo , kaya nabuntis ko siya, yun nga malaki na ang tiyan, kaya humanda ka, magiging kumpare na kita, naunahan na kita. kaya di na  puwede na maging kumpare mo  ako sa magiging anak mo,,,, kasi masama daw yun hehehehehe" sabi ko

"Hoy!! hindi ka na kumibo diyan, di ka ba nasisiyahan para sa akin" tanong ko

"Masaya ako" sagot niya

"Bakit parang naluluha ka dyan, umiiyak ka ba? puna ko sa kanya

"Sira, (sabay yakap sa akin ng mahigpit) naluluha ako sa kaligayahan, kasi nakuha mo na ang isa sa mga pangarap mo" sabi niya habang nakayakap

"Salamat, basta kahit ano ang mangyari, wag mong kalilimutan, ikaw ang ninong, usapan natin yan" sabi ko

"Oo naman, hindi ko kalililmutan yon" sabi niya

Sabay tawa niya sa akin, kahit may luha pa siya sa kanyang mga mata, at alam ko naging masaya muli ang  pagkikita namin ng bestfriend ko

Idad 19 ng maging isa akong ama, maligayang maligaya ako, at isang lalaki ang naging panganay ko, gaya ng usapan si Thor ang ninong ng panganay ko na si Diego, malusog na bata ang anak ko, at kamukhang kamukha ko, may dalawang dimple din at kakulay ko rin hehehehehe-

Makalipas ang isang taon, graduate na si Thor, agad din siyang nag.review para sa board exam,at suwerte din talaga siguro siya, kasi agad din siyang nakapasa at naging ganap ng engineer, ako naman, sa pangalawang pagkakataon at naging ama uli sa isang malusog na batang lalaki na ginawa kong Junior ko, maligaya ako sa naging buhay ko, kahit paminsan minsan ay kinakapos dahil sa hirap ng buhay, si Thor naman ay may sarili ng bahay sa may tabi rin ng bahay nila, dalawang palapag, na ang  ilalim ay nagsilbing opisina niya, nga pala si Thor pa rin ang kinuha kong ninong ng Junior ko.

Limang taon din ang matuling lumipas, malalaki na rin ang mga anak ko, si Diego ay 5 taon na at si Jun naman ay 4 na taon na, masaya kaming nakakaraos, kahit laban ng husto sa hirap ng buhay, paminsan minsan, nakakalapit din ako sa kumpare ko, lalo na at nagigipit ako at minsan kasi wala akong kayod.

Isang araw, alas dose yun ng tanghali habang kumakain ako ng baon kong tanghalian, dumating ang bayaw kong si Greg, naaksidente daw ang  nanay ko at si misis,  mga tatlong taon na rin silang magkasama sa pagtitinda sa palengke.


 itutuloy....

Wednesday, December 1, 2010

MUKHA NG BUHAY 7

SA may kanto, kung saan naghihintay si Thor

"Halika na, himala yata at ikaw ang nagyaya ng inuman sa akin, dati rati, tumatanggi ka, at madalas mong sabihin, hindi puwede, bakit nga ba" tanong ko

"Wala lang, miss na kita, ganon,,,, ako ba di mo na mi-miss" tanong sagot sa akin ni Thor

"Hindi, bakit naman kita mami-miss " sagot kong nang-aasar

Di ko alam, kung bakit biglang parang nalungkot si Thor  sa biro ko,  dati rati naman na ganon kami kung magbiruan, kaya ako naman parang na-guilty, kaya inakbayan ko siya 

"Loko, syempre miss din kita, tara bili na tayo ng maiinom natin at pulutan" dugtong ko

"Wag na, mayroon na sa bahay, bago ako nagpunta sa may kanto para abangan ka, naihanda ko na lahat" sabi niya

"Ha, " gulat kong tanong

Di na niya ako sinagot at hinatak na niya ako papasok ng bakuran nila

"Asan sina tito at tita", tanong ko pagkapasok ng bahay nila

"Palagay mo , mayayaya kitang uminom dito, kung nandito sina mama at papa, eh di nasigawan ako ng mga yun,  umuwi sila ng probinsiya kaninang umaga, medyo may gulo daw sa mga partido ni papa" sagot niyang nakangiti

"Ok, simulan na natin, uy dami nating pulutan ahh" sabi ko habang naghahalungkat ng nakahain sa lamesa

"Sige umpisahan mo na yan Drek, akyat lang ako sandali sa kuwarto ko" sabi ni Thor

Umiinom na ako ng  beer, ng bumaba si Thor,lumapit sa may likuran ko, umakbay sa magkabila kong balikat 

"Happy birthday, igan, akala mo ba nakalimutan ko, inihanda ko ito, para talaga sa araw na ito"

"Salamat Thor, wala na akong masabi eh, baka mapa-iyak pa ako, kaya inom na lang tayo"sagot ko 

Umupo siya sa may harapan ko, sabay abot ng isang maliit na kahon na dinukot niya sa kanyang bulsa-

"Ano ito?" tanong ko

"Buksan mo, regalo ko sa iyo yan, loko inipon ko sa allowance ko ang binili ko dyan, kaya ingatan mo" sabi niya

"Ganon ba?,salamat ha" sagot ko habang binubuksan ko ang maliit na kahon

Isang bracelet na ginto ang laman nyon, at may pangalan ko pa sa may ilalim, naka-ukit ay DREK--- 18 , alam ko, papatak ang luha ko, kaya nagpaalam ako na iihi lang.

Sa banyo doon talaga pumatak ang luha ko, sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakatanggap ng ganong regalo, at mula pa yun sa matalik kong kaibigan, kaya sinabi ko sa sarili ko, iingatan ko ito,hinding hindi ito mawawala sa katawan ko kahit ano ang mangyari.

"Salamat ng marami, igan, hinding hindi ito mawawala, promise" sabi ko sa kanya sabay tapik sa balikat niya, sabay balik na sa upuan at tungga ng beer sa baso ko

"Drek, bakit, bagal mong lumakad ngayon?,saka para kang bagong tuli. hehehehehe" tanong sa akin ni Thor

"Lukoloko, wala ito, medyo nanganglay lang siguro ang mga binti ko, sa maghapong trabaho" sagot ko

Kung anu-ano na ang aming mga napag-usapan habang nag-iinuman, para kaming bumalik uli sa aming kabataan, masaya kami, kaya nawili sa inuman at nakarami ng inom, di na rin namin namalayan na hatinggabi na pala, kaya doon na ako pinatulog ni Thor at baka ma-curfew daw ako.

Naka-akbay ako kay Thor habang paakyat kami ng hagdan, papunta sa silid niya, tuloy pa rin  ang tawanan namin at kuwentuhan. Pagpasok namin sa silid niya, umupo lang siya sa kama niya, ako naman ay nag-alis na ng aking damit sa harapan niya, sanay na naman kami sa isa't isa, kaya walang malisya na maghubad sa harapan niya at siya din ay naghubad na ng kanyang damit, hanggang sa nakita ko siyang nakatingin lang sa akin, kaya--

"Ano ang tinitignan mo", tanong ko

"Wala, lumaki lang lalo ang katawan mo, lobo na ngayon ang dibdib mo, saka dami mo na ring pandesal sa tiyan pero lalo kang umitim, hehehehe" sagot niya sabay tawa

"Sira, alam mong bilad ako lagi sa araw, natural iitim ako ng todo" sabi ko sabay hubad ng pantalon ko

"Pero alam mo Thor, kahit ako maitim, makinis naman ito"habol ko ng pabiro sabay himas ko sa katawan ko

"Yabang mo", sabi ni Thor sabay hampas sa may puwetan ko

"Aray ko", namilipit ako sa sakit

"Bakit, ano ba yan Drek, napaano ka ?",nag-aalalang tanong niya sa akin

"Wala, tulog na tayo, hilo na rin ako"sagot ko sabay dapa sa kama niya na tanging brief lamang ang suot

Tumayo si Thor at pumasok sa banyo niya, ako naman ang nakatulog na sa tama ng alak na aming ininom.

"Drek,musta na, masakit pa ba ang puwet mo" tanong sa akin ni Thor na ikinagising ko at naramdaman kong hinihimas himas niya ang pisngi ng puwet ko na kanina ay tinapik niyang bigla na ikinamilipit ko sa sakit

"Ohh,Thor ok na ako,sige tulog na tayo" sagot ko

"Akala ko ba, wala tayong lihiman, akala ko ba, sabi mo, sasabihin natin ang lahat lahat sa isa't isa, bakit ngayon, wala yata akong alam ?" sabi uli niyang patanong

Napatagilid akong paharap sa kanya, tinignan ko siya, inaarok kung ano ang nasa isip niya,.

"Ok, sige sasabihin ko na, ipapakita ko naman ito sa iyo eh, naunahan mo lang ako, saka di pa magaling, nagpa-tattoo ako kanina, bininyagan ako ng mga bataan ni Greg" sabi ko

"Greg ??, yung sputnik, yung nakaaway mo minsan sa tambakan, nung mga bata pa tayo" sagot niya

"Oo, yun nga" sabi ko

"Sabi mo tattoo, anong binyag naman yan ?" painosenteng tanong niya

"Ganito yun, naalala mo pa ba si Amy yung kaklase natin sa High School, na binulong ko sa iyong balang araw liligawan ko, nakita ko uli siya noong isang buwan sa may karinderya na kinakainan namin sa may construction, serbidora siya doon, di na rin nag-aaral, pero alam mo,maganda pa rin siya, kaya buhat noong makita ko uli siya, niligawan ko na siya hanggang naging kami na, pero nitong isang linggo, hinarang ako nila Greg, at inalam sa akin ang totoo  tungkol sa amin ni Amy, kaya umamin akong nobya ko na si Amy, di ko akalain kuya pala ni Amy si Greg, akala ko nga kursunada din niya" kuwento ko

Ganon ba" sabi niya

"Oo, tapos sinabihin ako ni Greg, wala daw problema sa kanya kung magnobyo kami ni Amy, basta kailangan lang daw na pabinyag ako sa grupo niya, dahil ang gusto daw niya kakosa niya ang nobyo ng kapatid niya, alam mo naman ako,walang inuurungan , kaya pumayag ako. pero sa isang kondisyon, magiging kakosa lang niya ako sa tatak, pero sa mga gawain nila, labas ako" kuwento ko uli

"Tapos, ano ang nangyari", tanong ni Thor

"Ayon, pumayag siya. kaya kanina bininyagan nila ako sa pamamagitan ng tattoo sa may pisngi ng puwet ko" pagtatapos ko

Natahimik si Thor, nakatitig sa akin, kita ko ang lungkot, ewan ko kung bakit,,,

"Hoy, bakit ganyan ka,? parang bigla kang nalungkot, may problema ba??", tanong ko

"Ha!, wala kasi di mo kinukuwento sa akin, may nobya ka na pala" sagot niya

"Sus, nagtampo ka pa, sasabihin ko din naman sa iyo eh, wala nga lang akong oras, kasi nga busy ka naman sa pag-aaral mo, ako naman kayod ng todo sa paghahalo ng semento sa construction" sabi ko sabay yakap sa kanya

Nagmamadaling kumalas si Thor sa pagkakayakap ko sa kanya at---

"Patingin nga ng tattoo mo" sabi niya

"Hindi pa makikitang mabuti yan, kanina lang naman itinatak yan sa akin, hindi pa maganda" sabi ko

"Kahit na, titignan ko lang" sabi uli niya

Dumapa ako at ibinaba ko ang suot kong brief para makita niya ang tattoo ko, sabay bukas niya ng ilaw .

"Naku Drek, namumula ng husto saka namamaga, lagot ka kay papa pag nalaman ito" sabi niya sabay himas sa may pisngi ng puwet ko

"Sasabihin mo,?, ikaw lang naman ang nakaka-alam ah" sagot ko

"Hindi,  hehehehe"sabi niya sabay ngisngis

"Hmmmp,  sarap niyang himas mo ah,nakakawala ng kirot" sabi ko

Nakatulugan ko na yung himas sa akin ni thor, nakaramdam ako siguro ng ginhawa, at sa hilo ko na rin  dahil sa nainom namin, di ko na alam kung ilang minuto o oras ang himas na ginawa sa akin ni Thor, nagising na lang ako na  maayos na ang  aking brief, at wala na si Thor sa tabi ko---

Alas 10 na pala ng umaga, dali dali akong nagbihis at bumaba na ng bahay, inabutan ko si Thor na nagkakape sa may salas-

"O, gising ka na pala, kape ka muna", sabi niya

"Sige, timpla lang ako, tapos uwi na ako, tanghali na eh" sagot ko


itutuloy

MUKHA NG BUHAY 6

Recess noon, kasalukuyan akong nagpapalipas ng oras sa may tumbang puno ng mangga, malapit sa may likod ng paaralan, ng may nakita akong isang bata, papalapit sa may puwesto ko...

"Hoy bata, ano ang ginagawa mo dyan, bakit di ka kumakain,?, di ba recess ngayon" tanong niya sa akin, sabay upo sa may tabi ko

"Gusto mo?," tanong uli niya, sabay abot ng isang tinapay sa akin

"Sige salamat, busog pa naman ako, eh" sabi ko

"Ok lang, marami naman itong dala kong baon, hinanda kasi ito sa akin ng mommy ko" sabi niya

"Kaya pala ang taba mo, alam kasi ng mommy mo, malakas kang kumain" sabi kong nakatawa sa kanya

"Hindi ah,  kunin mo na itong isang tinapay, wag ka ng mahiya. Ako nga pala si Nestor Bondoc, kaklase tayo, nakita kita kanina, nakaupo sa may dulo, ikaw ano ang pangalan mo?", sabi niya at sabay abot uli sa akin ng isang tinapay, kaya kinuha ko na rin, kasi medyo gutom na rin ako, saka mukhang masarap,,, hehehehehehe, pero sa isip ko lang yun sinabi

"Ako naman si Alexander Valenzuela, tawag sa akin ng nanay ko at mga kapitbahay Drek, salamat ha, ano nga pala ang palayaw mo" sagot ko sa kanya, habang kumakain ako ng tinapay na bigay niya

"Thor ang tawag nila sa akin" sagot niya

Tahimik lang akong kumakain, nilalasahan kong mabuti ang sarap ng tinapay niyang bigay sa akin, at si Thor naman ang panay ang tingin sa akin, habang kumakain ng mga baon niya.

"Bakit naka-tsinelas ka?, di ba dapat naka-sapatos ka sa school? tanong niya

"Ano???, bakit masama bang pumasok ng nakatsinelas?, kung wala akong sapatos, hindi ba ako puwedeng mag-aral" balik tanong ko sa kanya

"Ewan, wag na nga nating pag-usapan yan, eto ang juice , inom ka" sabi niya

"Salamat na lang, sa gripo na lang ako iinom mamaya " sagot ko sa kanya


Iyon ang simula ng pagiging magkaibigan namin ni Thor, buhat noon lagi na kaming magkasama,

---------Ahh... Si Thor ay aking  kababata, kaibigang matalik at para na rin kaming  magkapatid, pareho kaming sinilang , lumaki at nagka-isip sa Makati, pero doon kami sa isang mukha ng Makati, ang mga bahay  namin ay yung nakatirik sa may gilid ng Ilog Pasig... samantalang sina Thor ay medyo angat sa buhay, maganda ang bahay nila, na nakatayo sa may labasan papasok sa may lugar namin, samantalang ang  lugar namin ay squatter, ang nakakatuwa lang, mababait din ang mga magulang niya, kasi di nila ako pinagbabawalan na pumunta sa kanila, at di rin nila pinagbabawalan si Thor na maging kaibigan ako.  Ang ama ni Thor ay isang kapitan sa Pulisya ng Makati, at ang ina naman niya ay sa bangko nagtatrabaho, nag-iisa siyang anak.

Ako naman si Drek, anak sa pagka-dalaga ng nanay ko,  ang nanay ko ay isang labandera sa mga mayayaman ,kaya nang ako ay sampung taong gulang pa lamang ay natuto na akong maghanap-buhay, nagtutulak na ako ng kariton ng basura, tuwing madaling araw  ay nakikipag-agawan na ako  sa mga kapwa ko basurero, sa basurahan, sa paghahanap ng mga bagay na mapapakinabangan, nagtinda rin ako ng sigarilyo sa gitna ng mga daan at sa gabi naman ay  nag-iigib ako ng tubig para  sa ilang kapitbahay namin kapalit ng konting barya.

Sabi ng marami, basagulero daw ako, pero alam ko sa sarili ko na hindi naman eh, lumaki lang ako sa ugaling hindi marunong umiwas sa hamon ng buhay, gaya rin ng hindi ko ugali na umiwas sa hamon ng away, kahit malaki o matanda ka pa sa akin,hindi kita uurungan, lalo na at alam kong nasa tama ako at nasa katuwiran.

Ganyan ang naging takbo ng buhay ko, naming dalawa ni Thor , hanggang sa aming pagtatapos  ng High School.

"Drek, ang kukunin kong kurso sa College ay Electrical Engineering,  aprub nga kay mama, kaso  sa papa ko, alangan eh, kasi alam mo naman na gusto non na maging pulis din ako, pero ayaw ko naman non" sabi sa akin ni Thor

 "Ikaw, ano ang balak mong kunin" habol tanong niya sa akin

Isang gabi yun, habang naka-upo kami sa may bangketa sa harapan ng bahay nila, tahimik lang ako habang naninigarilyo , naririnig ko siya at naiintindihan pero wala akong ganang sagutin siya, napuna niya yata yun, kaya....

"Hoy, naririnig mo ba, parang wala akong kasama dito" sabi niya sabay siko sa tagiliran ko

"Oo, saka ok para sa iyo ang kursong yon, bagay sa iyo ang maging Engineer" sagot ko

"Ano ang kukunin mo" ulit niya

"Wala, di na ako mag-aaral,tama na yung High School", sagot ko sabay pitik ng sigarlyo ko

"Ha, bakit ??"

"Tinatanong pa ba yan, alam na alam mo naman ang dahilan, dapat ko pa bang sabihin sa iyo, na wala kaming pera at kayo mayroon, magkaiba tayo ng buhay Thor, mula pa pagkabata natin, kitang kita ko at alam mo na hindi tayo pareho ng antas ng buhay ",medyo galit kong sagot sa kanya

"Sorry, hindi ako galit sa iyo, galit lang ako sa buhay naming ganito, sa Lunes nga pala sasama na ako sa construction, maghahalo ng semento, ok na yun, para makatulong din sa  nanay ko, para sa buhay naming mag-ina. Sige alis na ako,mag-iigib pa ako ng tubig para sa mga kapitbahay, sayang din yun" sabi ko  sa kanya,sabay tayo sa pagkaka-upo ko sa bangketa

"Drek.. iiingat"., habol ni Thor

Lumipas ang mga araw at buwan, na di kami nagkita o nagka-usap man lang ni Thor, alam ko busy na siya sa pag-aaral niya sa college, at ako naman ay naging abala na sa aking bagong buhay, paghahalo ng semento sa construction, iyan ang naging buhay ko, mula ng tumigil ako sa aking pag-aaral

Sabado ng gabi, birthday ko yun alam ko, pauwi ako sa may amin, galing ng trabaho, namataan ko si Thor sa may kanto , kung saan ang nag-iisang daanan namin mga taga-looban, papasok sa paraiso ng mga squatters-

"Hoy,Thor musta, ano ang ginagawa mo dyan" tanong ko

"Ayos lang ako, ikaw musta ka na, hintay nga kita eh, tagal na kasi nating di nakakapag.usap at nagkakasama" sagot ni Thor

"Pasensiya na, wala na akong oras lagi eh, alam mo,   kailangang kumayod ng husto,   lalo na ngayon di na puwedeng mag-trabaho si nanay, medyo tinamaan sa baga eh, kaya eto tuwing dating ng bahay pahinga na lang, pagod lagi eh" sabi ko

"Ganon ba, sige mukhang pagod ka nga, pahinga ka na" sabi ni Thor, na parang medyo nalungkot

"Sandali, bakit ba?,may kailangan ka ba sa akin o may sasabihin ka", sagot kong nang-aarok

"Wala naman, sa tagal na kasi nating di nagkikita, yayain sana kitang inuman sa bahay, kasi Sabado naman ngayon, walang eskuwela bukas at alam ko libre ka rin" sabi niya

"Ahh, ok sige" sabi kong nag-iisip

"Hintay mo lang ako dito, uuwi lang ako, palit lang ng damit,,, sandali lang" sagot ko sabay kindat

Nakangiting tumango si Thor, kaya nagmamadali din akong umuwi agad sa bahay, nagpalit ng damit, at nagpaalam kaya nanay

"Nay kina Thor lang kami, inuman ng konti, eto nga pala ang pera" sabi ko sabay abot ng pera

"Kumain ka muna, nagpansit ako ng konti kasi nga birthday mo" sabi ni nanay

"Wag na nay, medyo busog pa naman ako eh"

"O' siya, wag iinom ng sobra, at wag magpapa-gabi ng todo, alam mo na ang mga gago dyan sa looban"

"Nay naman, ngayon pa bang malaki na ako, isa pa kilala ko ng lahat yang mga yan at walang mangyayaring masama sa akin dito, at di ko sila uurungan" sabi ko

"Hus, umiral na naman yang kayabangan mo, tumigil ka na ngang bata ka sa mga gulo at kung maaari naman, matuto kang umiwas" sabi uli ni nanay

"Oho, sige na , alis na ako nay" sabi ko sabay labas ng bahay namin


itutuloy